Karamihan sa mga tao ay nagtataka minsan sa dami ng magkakaiba at magkakasalungat na mga doktrina na umiikot sa mundo sa ngalan ng Diyos. Ang relihiyon ay isang tambak ng magkakasalungat na pahayag, isang masukal na gubat para sa karamihan ng mga edukadong tao sa panahong ito upang ituring na kanlungan. Sa sandaling nagkaroon tayo ng sapat na talino upang suriin ang kahit dalawang iglesia o relihiyon nang magkatabi, makikita natin ang sapat na mga kontradiksyon upang malaman na alinman sa kanila ay hindi maaaring maging tama. At sa oras na dumaan tayo sa tatlo o apat, isang pagdududa ang nagsisimulang lumitaw na ang alinman sa kanila ay maaaring maging tama.
Ipinapalagay natin na ang bawat isa sa mga grupong ito ay puno ng mga taos-pusong tao na lahat ay dumating sa iba't ibang mga konklusyon. Kung tungkol dito ang relihiyosong katapatan at pananampalataya sa Diyos, kung gayon ang isang tao ay mas mabuting lumayo rito. Ang nasabing relihiyon ay hindi maaasahan katulad ng imahinasyon ng isang tao.
Ngunit sandali lang! Paano kung hindi sila taos-puso? Paano kung ang bawat relihiyon ay puno ng mga naghahanap ng kasinungalingan kaysa sa mga naghahanap ng katotohanan? At paano kung ang lahat ng mga totoong naghahanap ng katotohanan ay kusang lumalapit nang unti-unti sa isa't isa?
Iyan ang nais ipakita ng artikulong ito.
Hindi kinakailangan ng labis na kaliwanagan sa espiritwal upang malaman na lahat tayo ay may makasariling pag-uugali. Kung gayon, madaling makikita na ang makasariling pag-uugaling ito ay madalas na makakahadlang sa ating paghahanap ng katotohanan. Ang pinakamalaking hadlang sa ating paghahanap para sa Ganap na Katotohanan ay ang ating pag-uugali na kumapit sa isang kalahati na katotohanan. At kung minsan ang mga kalahating katotohanang ito ay nababaluktot sa mga paraan na lubos na hindi matapat kapag sinuri nang makatarungan. Hindi mo kailangang maging isang teologo upang makita na ang mga ito’y naging mga kasinungalingan.
Para sa mga nagsisimula, kumuha tayo ng isang sekular na halimbawa, upang maipakita kung paano ito gumagana. Sinabi namin kanina na maraming mga taong hindi relihiyoso ang nagpasiya na ang relihiyon ay walang kabuluhan dahil sa maraming iba`t ibang mga relihiyon, at dahil karamihan sa kanilang sinasabi ay magkakasalungat. Ngunit ginagawa ng mga taong ito ang parehong bagay na ginagawa ng iba`t ibang mga relihiyon. Gumagawa sila ng wastong obserbasyon tungkol sa mga relihiyon na iyon, ngunit ang kanilang konklusyon ay katawa-tawa.
Hindi ka susuko sa paghahanap ng ginto dahil lamang sa maraming walang halagang bato sa lupa. At hindi ka titigil sa paghahanap ng katotohanan dahil lamang maraming kasinungalingan. Kung hindi man, naging bahagi ka ng mga kasinungalingan. Kaya't ang ateismo at ang mga argumentong iminungkahi upang ipagtanggol ito, naging, halos lahat, bilang isang "magagaan na doktrina" tulad ng mga doktrinang iminungkahi ng mga huwad na mananampalataya.
Nakikita ng ating makasariling pag-uugali na ang pagsisikap na kilalanin at magkaroon ng isang relasyon sa ating Tagalikha ay hindi kaaya-aya, kaya nag imbento tayo ng mga magagaan na pagtuturo na nagsasabing hindi Siya/Ito totoo o na hindi mahalaga kung napapansin natin Siya/Ito. Anumang maliit na katotohanan na itinayo sa gayong ideolohiya, hindi kinakailangan ng isang henyo upang makita na ang pangunahing argumento (na walang Tagalikha, o na ang Tagalikha ay hindi maaaring malaman) ay laban sa lahat ng karaniwang pag-iisip sa bagay tulad ng mga sanhi at bunga.
Walang taong may matinong pag-iisip ang maniniwala na ang isang bote ng Coke ay maaaring lumitaw sa tabing-dagat isang umaga bilang resulta ng maraming natural na pagkakataon (mga kidlat, alon, hangin, paggalaw ng mga bato, atbp.) na kahit papaano’y pinagsama ang papel, tinta, baso, at plastik sa tamang dami at hugis upang makagawa ng bote, kasabay na pinagsama nito ang asukal, tubig, cola, at iba pang mga sangkap sa tamang dami upang punan ang bote, bago pa ang takip ay mahigpit na isinara ng isang maliit na buhawi. Kaya't bakit may taong may matinong pag-iisip ang maniniwala na ang buhay, ang sansinukob, at ang lahat ang nakagawa sa sarili sa parehong paraan... nang natural? Nais mo bang malaman kung bakit naniniwala ang mga tao sa ganoong bagay?
Kaginhawaan. Walang iba kundi ang simpleng kaginhawaan. Ang mga tao ay nagsawa na sa paghahanap, at naglikha ng isang diyos mula sa kanilang sariling katamaran, makasariling imahe, at tinawag itong katotohanan. Napakaginhawa!
At iyan mismo ang ginawa ng bawat magkakalabang relihiyon. Upang matiyak, may mga piraso ng katotohanan sa kanilang lahat, at marahil ay, sa paglipas ng panahon, may mga taong taos-puso sa likod ng mga ito. Ngunit ang huling resulta pa rin ay isang bigkis ng mga magiginhawang doktrina. Ang ilang bahagi ng bigkis ay umiiral para sa kaginhawaan ng mga tagapagtatag, at ang ibang bahagi ng bigkis ay umiiral para sa kaginhawaan ng mga tagasunod. At ang katotohanan ay nababaon mula sa parehong anyo ng kaginhawaan.
Suriin natin nang mas mabuti ang tinaguriang mga doktrinang Kristiyano. Sinuman na nasa tamang katinuan ang makakapagpasya, pagkatapos basahin ang Bagong Tipan, na ang pangunahing dahilan kung bakit si Jesucristo ay dumating sa mundo ay upang turuan ang mga tao kung paano sila yumaman? Hindi mayaman sa espirituwal, ngunit mayaman sa pera, milyunaryo, puno ng mga kayamanan. Walang taong magtatapos sa konklusyon na iyan. Gayunpaman, iyan ang isa sa mga turo ng mga tinatawag na denominasyong Kristiyano na kumakalat sa maraming iglesia ngayon. Bakit? Dahil mabenta ito tulad ng mga pandesal. Nakakaakit ito ng mga tao sa simbahan. Napupuno nito ang mga plato ng koleksyon. Mayroong maliliit na hiyas ng katotohanan sa itinuturo ng mga guro ng kayamanan, ngunit ang mensahe ay, sa kabuuan, kasinungalingan.
Ang sinuman bang nagbabasa ng Bagong Tipan sa kauna-unahang pagkakataon ang makakapagpasya na sinasabi nito na dapat nating ihinto ang pagiging mabuti, sapagkat ang sinumang gumawa ng ganoong bagay ay nagkakasala sa pagsubok na "makapunta langit" sa pamamagitan ng kanilang mga gawa? At makakapagpasya ba sila na kinamumuhian ng Diyos ang mga taong nagsisikap na maging mabuti kaysa sa anupaman? Syempre hindi! Gayunpaman ang aral na ito ay mas malawak pa kaysa sa pagtuturo tungkol sa materyal na pag-asenso. Ito rin ay mayroong ilang mga magaan na teksto upang bigyang katwiran ang kanilang pagsuway sa anumang bagay na itinuturo ng Bibliya. Ngunit hindi ito ang resulta ng isang matapat na pagtatangka na maunawaan kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya. Ito lamang ay isang magaan na doktrina para sa mga taong tamad at makasarili na ayaw sumunod sa mga patakaran tulad ng ipinahayag sa kanila ni Kristo.
Mayroong daan-daang mga doktrinang gumagana sa parehong paraan. Halimbawa, Malinaw na itinuro ni Cristo na ang mga diborsyado ay hindi dapat mag-asawa muli. Nakikita ito kahit ng mag-asawa. Ngunit ito ay hindi isang kombinyenteng doktrina para sa mga diborsyado. Kaya nakikita lamang nila kung ano ang nais nilang makita, at tingnan mo!... maraming mga libro ang isinulat upang sabihin na ang pagpapakasal pagkatapos ng diborsiyo ay pinapayagan ng Diyos. At habang dumarami ang mga nagdidiborsyo ngayon, maraming mga denominasyon ang gumagamit ng mga librong ito bilang isa pang magaan na doktrina.
May nakapagsabi na maaari mong patunayan ang anumang bagay sa pamamagitan ng Bibliya. Hindi mo talaga magagawa iyon. Ngunit maaari kang magpanggap na magagawa mong patunayan ang kahit ano sa Bibliya, at kung ang iyong itinuturo ay talagang nakakaakit (basahin ang "maginhawa") walang pakialam ang mga tao kung ito ay nasa Bibliya o wala. Ang anumang lumang “pretext” sa anyo ng malabong “proof text” ay sapat na. Ngunit hindi ito dahil sa napatunayan mo ang anumang bagay. Ito ay dahil lamang sa itinuturo mo ay "magaan".
Kahit na sa napakaliit na mga pagkakaiba-iba ng doktrina, ang mga tao ay laging sasang-ayon sa anumang doktrinang itinuturo ng simbahan na pinakamalapit sa kanilang tahanan, ang simbahan kung saan sila lumaki, at/o ang simbahan na pinupuntahan ng kanilang asawa. Sa madaling salita, alinmang simbahan na pinakakombinyente. Babaguhin nila ang kanilang mga paniniwala upang umangkop sa sitwasyon, sa halip na magsikap na baguhin ang kanilang sitwasyon upang umayon sa katotohanan. Hindi kagulat-gulat na mayroong labis na kontradiksyon sa mga relihiyon!
Ang ilan sa maraming doktrina ng kaginhawaan na umusbong sa paglipas ng mga taon ay mga aral tungkol sa pagdaraos sa mga sagradong pagpupulong tuwing Linggo, pagdiriwang ng Pasko at Mahal na Araw, ang walang pagkakamali ng Bibliya, pagsamba sa mga rebulto, at ang lihim na pagdating muli ni Jesus. Hindi ito kaiba sa ilang mga nabaluktok na teksto o piraso ng lohikang nabaluktok upang suportahan ang pag-angkin na kinakatawan ng mga ito ang kalooban ng Diyos. At gayon pa man ang mga ito ay nananatili, dahil ang mga ito ay kombinyente, at dahil tanyag ang mga ito.
Kaya't ano ang ginagawa ng isang tunay na naghahanap ng katotohanan sa gitna ng lahat ng ito? Madali ang sagot. Hanapin mo ang katotohanan. Makikita mo ang ilang piraso nito sa lahat ng mga relihiyon. Ngunit patuloy na maghanap ng higit pa. Kung talagang mapalad ka, maaari kang makatagpo ng iba pang tunay na naghahanap ng katotohanan. Ngunit mag-ingat! Ang mga ganitong tao ay napakabihira sa mundo ngayon! Hangga't pareho kayong patuloy na naghahanap ng katotohanan, magkakaroon ng kamangha-manghang pagkakaisa ang inyong paghahanap. Ngunit kahit na, hindi ninyo dapat hayaan ang kaluwagan ng inyong pakikisama na maging sanhi upang tumigil o sumuko sa inyong paghahanap.
Ang katotohanan ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng lahat nito o wala ka nito. Hindi mo ito makukuha ng isang araw at mawawala sa susunod. Hindi rin wala sa iyo ang katotohanan sa isang araw at mahahanap nang buo sa susunod. Sa halip, maaari kang lumapit nang paunti-unti patungo sa ganap na katotohanan, o dahan-dahan kang lumalayo. Sa proseso ng dahan-dahan na paglayo, madaling kumbinsihin ang iyong sarili na nakakahanap ka talaga ng mga bagong katotohanan. Ngunit sa masusing pagsusuri, makikita mo na ang mga "bagong katotohanang" ito ay magiging "mga doktrina lamang ng kaginhawaan".
Ang "pagtalikod mula sa katotohanan", ng isang indibidwal, ay nangyayari sa parehong paraan na nangyayari ito sa malalaking institusyon. Lumilitaw ang isang sitwasyon kung saan nahaharap ka sa isang hindi komportable na katotohanan tungkol sa iyong sarili. Maaari mong yakapin ang katotohanan at gawin ang iyong makakaya upang sundin ito, o lumikha ka ng isang maginhawang doktrina na nagsasabing tama ka sa iyong katigasan na hindi magbabago. Ang doktrinang iyon ay nagiging isang espirituwal na lubid na lalong sumasakal sa iyong espiritwal na paglago. Maaalala mo pa rin ang lahat ng iyong natutunan hanggang sa puntong iyon, at maaari mong pahangain ang iba sa iyong maliwanag na kabanalan. Ngunit, ang iyong hindi pangkaraniwang doktrina ng kaginhawaan ang hahadlang sa’yo mula sa pag-unlad nang higit pa patungo sa ganap na Katotohanan. At dahil ang ganap na Katotohanan ay ang Diyos mismo, at dahil siya ay isang mapanibughong Diyos, hindi niya pahihintulutan ang huwad na diyos ng iyong maginhawang doktrina.
Ang sagot para sa mga nagnanais na makahanap ng katotohanan ay huwag tumigil sa paghahanap ng higit pang katotohanan, at huwag tanggihan ang anumang katotohanan na mahahanap mo. Kapag mas lalo mo itong ginagawa, mas lalo mong makikita ang nakatago sa likod ng relihiyon, at makikita mo ang ganap na katotohanan na naroon sa kabilang panig. Hindi ito magiging madali tulad ng paghahanap ng mga huwad, ngunit magiging mas nakalulugod ito.